ANG GREEN POETS’ NETWORK
Ang Green Poets’ Network (GPNet) ay isang koalisyon ng mga manunulat ng tula na nagsisikap na pagbuklurin ang mga makata mula sa paaralan at sa iba pang larangan upang magamit nila ang kanilang talino sa pagtalakay at pagpapalaganap ng mga isyu o paksa hinggil sa ekolohiya at para sa proteksyon at pangangalaga sa Inang Kalikasan.
Naniniwala ang GPNet na sa pamamagitan ng mga tula, makikita natin ang daan pabalik kay Inang Kalikasan – mga tulang mahalaga, nakapapaso, at marahil ay nakapagbibigay ligaya. Ang nagtutulak sa amin ay ang pagkatha ng mga salita ng pag-aalala at hamunin ang aming mga sarili sa pagpapalaganap sa pamamagitan ng pagkatha ang pangangalaga sa kalikasan.
Ang makata ang puso ng samahang ito. At ang tinig ng bawat isa ay dapat mapakinggan. Kaya nga dapat nating pakinggan ang tinig ng bawat isa, pagbabahaginan ng ating pagkakapare-pareho at pagkilala sa ating mga pagkakaiba. Sa pamamagitan ng tula, lilikhain natin ang isang daluyan ng pang-unawa sa kasalimuutan at kaisahan ng daigdig na ating pinananahanan.
Ang wika ng pagtula at mga salita ng makata ay walang hangganan. Maaaring sulatin ng mga makata ang mga paksa hinggil sa himpapawid, karagatan, ang kagandahan ng Look ng Maynila, ang mainit na isyu ng pag-iinit ng mundo, ang naganap sa Pulong ng Copenhagen, ang kampanya laban sa plastic, ang protesta laban sa Laiban, at iba pa. Maaari silang magsulat habang walang klase, sa opisina ng Dekano, sa mga iskwater ng Maynila, sa piketlayn ng mga manggagawa, sa ginegerang Iraq, sa tanggapan ng United Nations, sa lugar na pinangyarihan ng masaker sa Maguindanao, o kahit sa loob ng kulungan, tulad ng isinulat ng ating Pambansang Alagad ng Sining sa panitikan na si Amado V. Hernandez sa kanyang aklat na pinamagatang “Isang Dipang Langit”.
HANGARIN
Pangarap ng GPNet ang isang lipunang nangangalaga at may pagpapahalaga kay Inang Kalikasan at sa sining. Ilalathala ng mga makata ang kanilang mga katha sa iba’t ibang publikasyon at sa iba’t ibang wika. Kokolektahin ng GPNet ang mga tula hinggil sa mga luntiang paksa upang ilathala sa mga aklat pampanitikan o pahayagan.
ADHIKAIN
1. Pagbuklurin ang mga patnugot ng panitikan (literary editors) mula sa iba’t ibang publikasyon, mapa-kampus man o NGO
2. Ipalaganap sa pamamagitan ng tula ang mga maiinit na isyu sa mundong ating pinananahanan
3. Matulungan ang mga bagong makata na maunawaan ang iba’t ibang isyu hinggil sa kalikasan, at mahikayat ang iba pang makata na kumatha ng kanilang ambag sa pangangalaga sa Inang Kalikasan
4. Maibahagi ang ating mga kaalaman at karanasan sa pamamagitan ng pagtula
5. Maging daluyan ng inspirasyon ang tula para sa mas maraming tao
6. Makipaglaban para sa pangangalaga sa kalikasan mula sa kasakiman ng iilan, at labanan yaong mga nangwawasak sa ating kalikasan
Para sa karagdagang detalye, mangyaring makipag-ugnayan sa : greenpoetsnetwork@gmail.com, at kina:
DANTE PASIA
Convenor, Green Pen Network (GPN)
Organizer, Green Poets Network (GPNet)
0927-7080013, 0932-9205696
GREGORIO V. BITUIN JR.
Writer, Tagalog poet
Organizer, Green Poets Network (GPNet)
0935-9259537